bicol.politics.com.ph

Taxi ipamaneho na rin sa Uber drivers

131

By: Marlo F. Dalisay

Nitong mga nakaraang araw ay lumabas ang mga balitang nais nang ipatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga de-prangkisang taxi ang rate ng pamasahe na ginagamit ng Uber.

Magandang senyales ito lalo na kung pagbabatayan ang panahon na kung saan ay patapos na ang unang buwan ng “ber” na nangangahulugan na papalapit na nang papalapit ang Kapaskuhan, panahon na nagiging isnabero lalo ang mga taxi drivers.
Ang sabi pa nga LTFRB Chair Martin Delgra III ay sumang-ayon na “unanimously” ang lahat ng board members ng ahensiya sa sistemang ito kaya malamang na sa maiksing panahon na lamang ay maging parehas na ang rate ng taxi at Uber.

Pero kung mag-ala Uber na nga ang sistema ng taxi, baka magkaroon pa rin ng matinding pagtatalo ang pasahero at driver ng taksi na sasakyan ng mga ito katulad lamang ng mga mga nakaraang pangyayari. Hindi naman kasi sinasabi ng LTFRB kung kailangan nang tanggalin o i-disable ng mga drivers ang metro ng mga taxi na minamaneho ng mga ito.

Karaniwang insidente na lamang kasi ng mga di-pagsakay ng mga drayber sa mga pasahero ay ang pagtanggi ng una na paganahin ang metro o kaya ay dagdagan ang patak ng mga ito.

Ang matinding tanong pa dito, ang mga taxi drayber ba na hindi gagamit ng metro at babatay sa Uber rates at hihingi pa ng dagdag ay puwedeng ireklamo ng mga pasahero ng di paggamit ng metro.

Dapat ding tandaan na naging kultura na ng mayorya sa mga taxi drivers sa Metro Manila ang pangongontrata at pagpapadagdag sa ipinatak ng kanilang mga metro kung kaya’t kahit pa sabihing style Uber na ang sistema ng mga ito, gagamitin at gagamitin pa rin nila ang nakagawian.

Ang dapat na gawin ng LTFRB, kung talagang magpapatupad sila sa mga taxi ng sistemang Uber ay obligahin ang mga operators na palitan na rin ang mga drayber ng mga ito, palitan ng mga drayber na kulturang Uber.

Tila hindi kasi uubra sa kanila ang poor rating lamang at pagreport sa social media ng mga masamang karanasan ng mga pasahero.