Wednesday, November 22, 2017
politiko-politics-ph-logo

Sagot sa trapik ang mahal na parking fee

Sep 11, 2017 @ 16:39

By: Marlo  F. Dalisay

Habang papalapit ang panahon ng Kapaskuhan, pasama din nang pasama ang kalagayan ng mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.

Sa Commonwealth Avenue pa lamang sa Quezon City, kinakailangan na magbaon ng dalawa hanggang dalawa’t kalahating oras na pasensiya ang mga motoristang nagmumula sa lugar sa umaga patungo sa Maynila at sa Pasay.

Ito ay mula sa dating isa’t kalahating oras na paglalakbay lamang sa nakalipas na mga buwan.

Hindi naman sana magiging ganap na parusa sa mga motorista at mananakay ang mga biyahe nila mula sa Commonwealth Avenue kung paglagpas dito ay magagamit ng maayos ang mga alternatibong kalye sa mga kalapit na lunsod katulad ng Maynila at San Juan, at Pasay City

Kadalasan kasi, kahit na gumamit pa ng Waze ang isang motorista para lamang bumilis ng kahit na bahagya ang kanyang paglalakbay, lalo pa siyang nasasadlak sa matindng abala.

Pangunahing dahilan nito ay ang hindi pa rin pagkakatanggal sa mga sasakyan na basta-basta lamang ipinaparada ng mga may-ari sa gilid ng lansangan na malapit sa kanilang mga tirahan o tinutuluyan.

Napakaraming mga kalye na puwedeng gamiting alternatibong daan ng mga motorista para sa mas mabilis na biyahe pero hanggang ngayon ay tila walang plano ang mga lokal na pamahalaan na nakakasakop sa mga ito na magpatupad ng mahigpit na patakaran.

Katuwiran ng mga nagpapatupad ng batas, kapag nariyan sila sa bisinidad ng mga kalsada kasama ang mga tow trucks ay wala namang pumaparada sa mga lugar na ginagawang alternatibong daan pero pag-alis nila ay nagbabalikan daw.

Pero hindi lang naman iisa ang paraan para malinis ang lansangan sa mga illegally parked vehicles at puwede na ring hindi sila gumamit ng dahas at tow truck.

Puwede namang magpasa ng ordinansa ang isang city council na nagpapataw ng mahal na parking fee sa mga sasakyang ipinaparada sa mga alternate routes, siguro kung sisingilin ang mga ito ng P1,000 sa maghapon at overnight parking sa mga kalye ay mawawala ang mga ilegal na nakaparadang sasakyan.

Kung ganito ang mangyayari, dalawa ang makikinabang, una ay ang mga motoristang umiiwas sa trapik at tiyak na kikita pa ang lokal na pamahalaan basta lahat ng bayad ay may resibo.

Masyado nang makulit ang mga may ari ng mga sasakyan na ipinaparada sa kung saan-saan lamang kaya dapat ay tapatan na rin sila ng mga medyo magulang na alituntunin.

 

Facebook Comments

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Politiko Poll

Quick Links
Connect With Us
Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.