Wednesday, November 22, 2017
politiko-politics-ph-logo

Dapat inuna ang plaka!

Sep 4, 2017 @ 14:11

By: Marlo F. Dalisay

Finally, nitong nakaraang linggo ay inilabas na ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license na mayroong limang taon na validity o bisa at para sa maraming motorista, bawas ito sa abala na inaabot nila sa pagrenew ng mga lisensiya sa pagmamaneho.

Bawas din sa gastos dahil sa kasalukuyan, kada tatlong taon ang renewal sa lisensiya sa pagmamaneho, professional man o non-professional driver’s license ang taglay ng isang motorista.
Pero wala itong kuwenta kung ang pag-uusapan ay ang paglutas sa mga krimen na sangkot ang mga sasakyan, kagaya ng hit and run, pagnanakaw at mga pang-aabuso sa mga drayber sa kanilang sa kanilang mga babaeng sakay.

Ang mabigat na rason, hanggang sa ngayon ay nganga pa rin kasi ang LTO at hindi pa rin masagot ang mga tanong ng mga naiinip nang may-ari ng mga sasakyan na wala pang plaka, pati na ang mga nakapagbayad na ng palit plaka.

Tanging ang conduction sticker lamang kasi ang puwedeng pagkakilanlan sa mga sasakyan na wala pang plaka at kahit na anong hanap sa mga ito, mahihirapan ang mga awtoridad na matagpuan.

Hindi kasiguraduhan na mareresolba ang isang krimen na kinasasangkutan ng isang sasakyan kahit pa nakuha ang conduction sticker number nito dahil hindi agad na nabibirepika sa text line ng LTO.

Wala kasing maibigay na impormasyon ang LTO kapag itinext sa 2600 textline nila ang conduction sticker number at sa halip ay makakatanggap ka lamang ng “no record found” na textback kapalit ng P2.50 na nakaltas sa iyong load.

Ganito rin ang situwasyon kapag ang plaka ng sasakyan na biniberipika ay nagtataglay na ng tatlong letra at apat na numero, halimbawa ABC 1234, dahil kaparehong mensahe ang matatanggap mo kapag nagberipika ka.

Mahirap maintindihan kung bakit inuna ng LTO ang pag-ayos sa mga lisensiya gayung hindi naman ito ang pangunahing problema na nangangailangan ng kagyat na solusyon.

Parami nang parami na ang mga kriminalidad sa kalye na walang solusyon dahil sa kawalan ng plaka ng mga sasakyan, mapa-behikulo man o motorsiklo kaya dapat na ito ang unang binibigyan ng atensiyon ng LTO.

Kailan nga ba mabibigyan ng hustisya ang mga nabiktima ng mga sasakyang walang plaka?
Kailangan lang kasi na ipakita ng isang motorista ang kanyang lisensiya para ipagtanggol sarili sa asunto, kapag nagkaroon ng aberya, nakaabala o nakasakit ng iba ang estilo ng kanyang pagmamaneho.

Ang pinakamasakit nito, bayad na ang plaka dahil kasama ito sa gastos sa pagpaparehistro ng bagong sasakyan kaya ang tanong, saan ginagamit ng LTO ang pera para rito?

Facebook Comments

Recommended on other sites

Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Politiko Poll

Quick Links
Connect With Us
Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.